Ni Jun Tadios (Abante-Tonite)
Nagkasundo ang mga obispo at arsobispo ng Manila Metropolitan Ecclesiastical Province (MMEP) na maglabas ng pastoral letter para paalalahanan ang kanilang mga nasasakupan na piliin sa Mayo 10 ang kandidatong sinsero sa paglutas sa mga pangunahing suliranin ng bansa gaya ng korapsyon at kahirapan.
Isinapubliko ng mga obispo ang kanilang pastoral letter kahapon, Marso 14, ang ika-apat na Linggo ng Kuwaresma.
Ayon sa mga obispo, nakaatang sa kanilang balikat na gabayan at ituwid ang daan ng kanilang nasasakupan lalo pa’t ang nakasalalay dito ang kinabukasan ng bayan.
Sa pangunguna ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, nanawagan ang 13 obispo at arsobispo ng iba’t ibang diocese sa kanilang nasasakupan na maging responsable sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa.
Kabilang sa lumagda sa pastoral letter sina Bishops Gabriel Reyes (Antipolo), Honesto Ongtioco (Cubao), Luis Antonio Tagle (Imus), Deogracias Iñiguez (Caloocan), Jose Oliveros (Malolos), Antonio Tobias (Novaliches), Jesse Mercado (Parañaque), Francisco San Diego (Pasig), Leo Drona (San Pablo), Pedro Arigo (Vicar Apostolic of Puerto Princesa), Edgardo Juanich at Leopoldo Tumulak (Vicar Apostolic of Taytay Military Ordinary), Auxiliary Bishop Francisco De Leon (Antipolo) at Hernadino Cortez at Broderick Pabillo, Auxiliary Bishops ng Archdiocese of Manila.