nina DINDO MATINING, REY MARFIL, TINA MENDOZA, ROSE MIRANDA, JUN TADIOS at BOYET JADULCO (Abante)
http://abante.com.ph/issue/mar1910/news01.htmKumpleto na ang mga sangkap at lantad na rin ang mga senyales ng ‘failure of elections’ at pananatili ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa poder ng kapangyarihan dahil hindi ito mapapalitan sa Mayo 10 ng taong ito.
Ito ang pananaw ni Gabriela partylist Rep. Luzviminda Ilagan matapos bigyan ng Korte Suprema si Arroyo ng kapangyarihan na mag-appoint ng susunod na Chief Justice ng Korte Suprema ng bansa.
Ayon kay Ilagan, dahil sa desisyon ng Supreme Court, nakumpleto na umano ang lahat ng elemento sa pinangangambahang failure of election sa Mayo.
“It’s already complete. We’re just waiting the announcement of failure of election,” ani Ilagan sa panayam kahapon.
Ilan pa aniya sa mga ‘recado’ ng napipintong “failure of elections” ay ang pagtalaga ni Arroyo kay Gen. Delfin Bangit bilang bagong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasama na rin nito ang palpak o walang kasiguruhang automated election ang pagpasok ng mga pekeng partylist sa darating na halalan.
“Habang ang lahat ay naka-focus sa election, pinapwesto naman ni President Arroyo. Ang susunod niya ay ang maging Prime Minister siya,” diin pa ni Ilagan.
Naniniwala naman si Anakpawis partylist Rep. Joel Maglunsod na sakaling magkagulo sa darating na eleksyon, tiyak umanong ang magiging unang kakampi ni Pangulong Arroyo ay ang Korte Suprema.
“Mukhang patungo tayo d’yan, kung magkakagulo o kaya ay may question about election results, no doubt ang SC ang unang kakampi ni President Arroyo,” pahayag ni Maglunsod.