Political news , opinions and views for 2010 Presidential election

March 9, 2010

ELEKSYON SASABIT KAY BANGIT?

Nina ROSE MIRANDA, REY MARFIL, BERNARD TAGUINOD, BOYET JADULCO, NOEL ABUEL at DINDO MATINING (Abante)


Nababahala ang mga kritiko ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sa­sabit ang May 10 national elections bunsod sa pagkakatalaga nito sa kanyang paboritong heneral na si Gen. Delfin Bangit bilang bagong chief of staff ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP).

Sa ambush interview sa pagbisita sa San Sebastian College sa lungsod ng Maynila ay kinumpirma ni Arroyo ang pagtatalaga kay Bangit sa nasabing posisyon kung saan inihayag nito ang desisyon sa gitna ng mga panukala na i-extend na lamang ang termino ni AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado, na magreretiro na bukas, dahil ilang buwan na lamang naman umano ang Arroyo administration bukod pa sa nalalapit na ang eleksyon.

Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Pangulong Arroyo partikular kung na­ging pangunahing konside­rasyon ang pag-ayaw mismo ni Ibrado na palawigin pa ang kanyang termino at ang legal position ni Chief Presidential Legal Counsel Raul Gonzalez na ito ay labag sa Konstitusyon.

Si Bangit ang Presidential Security Group chief ni Pangulong Arroyo simula Pebrero 12 hanggang Set­yembre 2007 kung saan niyanig ang chief executive ng Hello Garci controversy na muntik na nitong ikasipa sa puwesto bukod sa dalawang banta ng mutiny noon sa pamamagitan ng Oakwood mutiny at Marines standoff.

Bago ang kanyang appointment bilang AFP chief of staff, si Bangit na mi­yembro ng Philippine Military Academy class 1978 ang naging ika-51 Philippine Army chief, naging commander ng Southern Luzon Command (SOLCOM), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) chief at PSG chief.

Senaryo ng dayaan

Kaugnay nito, ipininta ng Liberal Party (LP) ang senaryong bahagi ng posibleng dayaan sa 2010 elections ang pagkakaupo ni Bangit bilang chief of staff ng AFP.

Ayon kay LP vice presidential bet Mar Roxas, dapat maging mapagbantay o alerto ang publiko sa pagkakaupo ni Bangit, lalo pa’t ipinilit ni Mrs. Arroyo bilang AFP chief gayong maraming nasagasaan, tulad ng Class ‘77.

Hindi maiwasang i­kabit ni Roxas sa planong pandaraya ang pagkakaupo ni Bangit dahil maaari aniyang parte ng Villaroyo alliance.

“Sana hindi ito kasama ng maitim na balak ng Villarroyo administration para maipuwesto ang kanilang manok sa 2010,” ani Roxas.

Binalikan ni Roxas ang background ni Bangit kung saan mistah ni Mrs. Arroyo, patunay ang pag-ampon sa Pangulo ng PMA Class ‘78 na kinaaaniban ng heneral.

Chiz, Nene kabado

Nainiwala naman sina Sens. Francis ‘Chiz’ Escudero III at Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. na kung na-extend si Ibrado hanggang sa matapos ang termino ng Pangulo sa Hunyo, hindi umano sana sila kakabahan.

Ngunit ngayong itinalaga na ni Arroyo si Ba­ngit bilang kapalit ni Ibrado sa pagreretiro nito bukas, nangangapa tuloy ang dalawang senador kung ano ang gagawin ng heneral, lalo na’t papalapit ang halalan.

Senyales ng failure of elections

Sinabi naman ni Anakpawis partylist Rep. Joel Maglunsod, ang appointment ni Gen. Bangit ang isa sa mga kinatatakutan nilang senaryo na magkakaroon ng failure of elections sa Mayo.

“Isa ‘yan sa senyales na magkakaroon ng failure of elections. Malamang na inilagay siya ni PGMA para kapag nagkaroon ng failure of elections at uminit ang protesta ay sigurado siya na loyal sa kanya ang chief of staff,” ani Maglunsod.

Ipinaliwanag ng mam­babatas na mistulang alam ng Malacañang na magkakaroon ng failure of elections kaya’t si Bangit ang ipinalit kay Ibrado na ang loyalty umano sa Pangulo ay hindi matatawaran.

Ito rin ang naging paniwala ni Gabriela partylist Rep. Luzviminda Ilagan na nagsabi na pinupuwesto na umano ni Pangulong Arroyo ang mga taong tapat sa kanya at hindi susuway sa kanyang mga ipag-uutos.

Aniya, dapat maging vigilant ang mga mamamayan sa darating na halalan dahil sa maitim na plano ng administrasyon na manatili sa poder ng kapangyarihan ang Pangulo.

Subalit kung si Senate President Juan Ponce Enrile ang tatanungin, tiwala ito na hindi susunod si Bangit sa mga maling utos kahit pa manggaling ito sa kanilang Commander in Chief

No comments:

Post a Comment