Political news , opinions and views for 2010 Presidential election

February 2, 2010

Gibo, the best candidate

from Kung Sabagay ni Jake Macasaet (Abante)
http://www.abante.com.ph/issue/feb0210/op_jm.htm

Hindi na tayo makakapili ng kandidatong karapat-dapat manungkulan sa bayan habang ang isip natin ay sayang lamang ang iboboto kung ibibigay sa kandidato na hindi naman mananalo.

Ito marahil ang tunay na dahilan kung bakit patuloy ang pagkabulok ng liderato ng bansa sa mga nakaraang panahon. Ang ating hinahanap ay ang kandidatong mananalo. Iyong mga kandidatong sikat, pala­ging nakikita sa TV dahil malakas gumastos.

Ang laki ba ng gastos ang pa­latandaan ng kakayahang umugit ng bayan? Palagay ko hindi. Ang kakayahang gumastos ng malaki ay pagpapahayag na binibili ng isang kandidato ang boto ng bayan.

Puwera na lang si Noynoy Aquino na ang katangian ay pagiging anak ng bayani ng demokrasya – si Sen. Benigno Aquino Jr. at si yumaong Pangulong Corazon Aquino – ang ibang kandidato ay matataas sa survey dahil malaki ang gastos at matagal ng naghahanda sa paglaban sa pagka-pangulo.

Pero kilala ba natin ang tunay nilang ugali at kakayahan? Hindi. Humahanga tayo sa kanila dahil malimit natin silang makita sa TV, marinig sa radio at mabasa sa diyaryo.  
Ang lumalabas ngayon ay natatakpan ang kanilang tunay na ugali at kakayahan sa laki ng gastos sa media.

Nasabi ang mga bagay na ito dahil sa ugali at kakayahan ni Gilberto “Gibo” Teodoro, kandidato ng pagka-presidente ng administrasyon. Hindi marami ang tao na nakakaalam ng kanyang kakayahan at ugali.

Nagkataon naman na bata pa siya ay kilala ko na. Anak siya ng yumao kong kaibigang si Bert Teodoro, namahala ng SSS sa loob ng halos 20 taon at pinatibay niya ito sa kabila ng malawak na kurakutan sa panahon ng diktadura.

Hindi maingay si Bert sa pagtulong sa mahihirap. Pero hindi siya napilit ng rehimeng Marcos na isuka ang pera ng manggagawa kung hindi nila ito pakikinabangan.

Iisang anak si Gibo nina Ditas Cojuangco at Gilberto Teodoro.

Nag-aral ng batas sa University of the Philippines.

Valedictorian noong mag-graduate. Nagpraktis ng batas sa ilalim ng isa ring batikang abogado ng mga kumpanya ni Danding Cojuangco - si Estelito Mendoza.

Sa aking pagkaalam, walang bahid ng dumi ang pamilya ni Gibo. Lalong walang bahid ng dumi ang paglilingkod niya sa bayan. Naging Congressman ng Tarlac at pagkatapos ay piniling Secretary of National Defense.

Mayroon ba kayong nalalaman na nasangkutang eskandalo si Gibo na may kinalaman sa nakawan? Wala akong nalalaman. Wala akong nakikita.

Ang tanging “kasalanan” ni Gibo ay ang pagiging kandidato ng administrasyong Arroyo. Hindi raw siya mananalo dahil amo niya si GMA. Kung manalo man, hindi raw niya kayang ipakulong si GMA sa dami ng kasalanang nagawa nito at patuloy na ginagawa laban sa bayan.

Huwag naman sana tayong pabigla-bigla sa paghusga kay Gibo. Hindi siya tuta na katulad ng iba niyang kasamahan sa rehimeng Arroyo. May sarili siyang paninindigan.

Ang aking ikinatutuwa kay Gibo ay ang katotohanang hindi niya ipinagtatanggol ang maraming mali na ginawa at patuloy na ginagawa ni Gloria Arroyo. Tahimik lamang siya ngunit tapat sa tungkulin at sa bayan.

Iba naman iyan sa pagiging tapat kay Gloria Arroyo. Hindi laging pagiging katapatan sa bayan ang katapatan kay Gloria Arroyo. Malimit magkakontra ang dalawa.

Walang dahilan kundi ang malayang pag-iisip, tibay ng dibdib sa tama at walang bahid na paglilingkod kung bakit hindi man niya alam, ay tinutulungan ko siya sa kampanya.

Ang una kong punto ay pagturo sa sambayanang Pilipino na hanapin ang tunay na katangian ng isang kandidato. Hindi na tayo makakapaghalal ng kandidatong may malasakit sa bayan kung ang ating basehan ay ang resulta ng survey.

Ang resulta ng survey ay walang kinalaman sa katangian ng kandidato. Walang sinasabi ito kung ang laki ng gastos sa mga grandstanding at sa media. Ano ang kakayahan niya?

Iyan ang hindi sinasabi sa survey at hindi natin malalaman.

Personal kong alam ang kakayahan ni Gibo dahil kaibigan ko ang mga magulang niya at nakita ko siyang lumaki hanggang sa maging batikang abogado.

Bihira ang nag-iisang anak ng mag-asawang mayaman ang tunay na matino at nagmamahal sa magulang at bayan. Mahal ni Gibo ang kanyang magulang dahil para sa kanya sila rin ang bayan.

Mabuhay ka, Gibo.

No comments:

Post a Comment