from Pilipino Star Ngayon
http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=554418&publicationSubCategoryId=92MANILA, Philippines - Kinondena ng United Luisita Workers’ Union ang mga may-ari ng Hacienda Luisita sa Tarlac sa naunang pahayag noong 1967 na hindi nila ipinamahagi ang lupain ng hacienda dahil wala namang tenants noong mga panahong iyon.
Inihayag nina ULWU president Lito Bais at founding member Federico Laza na humigit-kumulang sa 300 pamilya ang mga tenant ng Luisita nang dumating na ang panahon para sa pamamahagi nito noong 1967.
Kinilala ng dalawa, bukod sa kanila, ang ilan sa mga tenant na sina Rogelio Laza, Tito Tiglao, Jose Gali, Bienvenido Miclat, Tomas Arcilla, Faustino Arceo, Benjamin Quiambao, Rogelio Cruz, Domingo at Dominador Tiglao, Paeng dela Cruz, Paulino Cruz, Danillo Adriano, Amado Layco, Camilo Miclat, Orlando Baniqued, Federico Policarpio, Dominador Pineda, Victor Nalian at Renato Garcia.
Sinabi ni Laza na silang lahat ay nakatira sa Barangay Parang sa sakop ng hacienda sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.
Ang Parang ay isa lamang sa 10 barangay sa kabuuan ng Luisita. “Sa siyam na barangay na ito ay mayroon na ring mga tenant na tulad namin ay nagsasaka na bago pa man nag-1967,” ayon kay Laza.
Idinagdag pa ni Laza na ang kanilang mga magulang at ninuno ang mga nagtanggal sa kagubatan ng Luisita nang mabili ito ng mga Cojuangco.
“Patuloy kaming nagtrabaho bilang mga sakada sa mga Cojuangco matapos nilang mabili ang Luisita. Kaya paano nila nasikmurang sabihin na walang tenant sa hacienda noong 1967 kaya’t hindi nila ipinamahagi ito,” tanong nina Bais at Laza. (Butch Quejada)
No comments:
Post a Comment