ni NONNIE FERRIOL (Abante)
http://abante.com.ph/issue/feb2410/news01.htm Hindi man tuluyang binabawalan na umapir sa mga graduation rites, pinagsabihan kahapon ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng kandidato sa May elections na huwag gamitin ang okasyon para mangampanya.
Binigyan-diin ng DepEd na hindi tamang samantalahin ng mga pulitiko ang pagtitipun-tipon ng mga graduating students at kanilang mga magulang para ikampanya ang sarili o sinumang napipisil na kandidato.
Hindi umano ito ang tamang okasyon para sa ganitong mga hakbangin at dapat umanong irespeto ng mga kandidato ang kasiyahang ito para sa pagtatapos ng mga mag-aaral na nagbibigay ng kakaibang pride sa mga magulang o nagpaaral na mga nakakatanda.
Mas makabubuti umano kung itutuon na lamang ng mga maiimbitahang kandidato ang kanilang talumpati sa pagbibigay ng “inspiring words” sa mga magsisipagtapos na mga mag-aaral para sa kakaharaping mga bagong hamon sa kanilang buhay sa pagtatapos ng isang yugto. Pinakamabuti umanong kalimutan muna nila ang kanilang ambisyon sa Mayo upang hindi matuksong mangampanya para makakuha ng boto.
Inihayag ng DepEd ang payo kaugnay na rin ng nalalapit na graduation season na sa taong ito ay papasok umano simula Marso 30 hanggang Abril 9.
Maliban pa sa pagbabawal na mangampanya sa mismong graduation speeches ng mga kandidato, mahigpit ding nagbabala ang DepEd sa mga school administrators ng mga pampublikong paaralan laban sa pangongolekta ng graduation fee o anumang kontribusyon na may kinalaman sa pagtatapos ng kanilang mga mag-aaral.
Bawal din ang pagre-require ng mga non-academic projects bilang requirement sa magsisipagtapos na mga estudyante.
No comments:
Post a Comment