Political news , opinions and views for 2010 Presidential election

February 18, 2010

CBCP, ‘di mag-endorso ng kandidato

ni Jun Tadios (Abante)
http://abante.com.ph/issue/feb1810/news08.htm

Walang balak ang Simbahang Katoliko na mag-endorso ng mga kandidato sa May 10 elections, tulad ng aktibong pagsuporta ng mga religious sectors at iba’t ibang samahan ng mga relihiyosong grupo sa mga kilalang kandidato sa pagka-pangulo at bise-presidente.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) spokesman Monsignor Ped­ro Quitorio, mananatiling tikom ang bibig ng Simbahan kung pag-uusapan ang literal na suporta sa mga kandidato.
Aniya, naglabas na sila ng guidelines sa mga Katolikong botante na pumupunto sa usapin ng kontro­bersyal na Reproductive Health (RH) bill.

Pero paglilinaw ng monsenyor, hindi utos ang guidelines na inilabas ng CBCP-Commission on Family and Life, kundi gabay lamang sa mga Katolikong botante para piliin ang karapat-dapat na kandidato na susunod na mamumuno sa bansa.

“`Yung guidelines is just a guide. Hindi po natin pinipilit ang mga Katoliko na gawin o sundin ang sina­sabi ng guidelines,” giit ni Quitorio.

Bilang reaksyon sa maugong na pag-endorso ng El Shaddai at Kingdom of Jesus Christ sa mga kandidato, iginiit ni Quitorio na hindi mangyayaring gawin ito ng CBCP.

“Ang sa amin lang ay paalala at gabay. Hindi kailanman nagtaas ng kamay ng isang kandidato ang CBCP, at ito pa rin ang mangyayari ngayon. Ang pagpili ng susunod na lider ng bansa ay naka­salalay sa desisyon at tamang pag-iisip ng mga botante, hindi galing sa dikta ng simbahan,” bulalas ng taga­pagsalita.

Kung mayroon man umanong susunding papel ang CBCP para sa nalalapit na halalan, ito ay tiyaking nasa maayos na kaisipan at tuwid na desisyon ang mga Katolikong tatanggap ng kanilang mga pangaral.

No comments:

Post a Comment